Merong isang pagkakataon na nakapag-usap ulit kami ng isang dating malapit na kaibigan. Natuwa ako sa pagkakataong yun kasi matagal na rin talaga ang huling beses na nagkausap kami kahit online lamang. At sa aming pag-uusap, kanyang pinakita ang mga graduation pictures niya na matagal na rin niyang ipinangako sa aking ipapakita niya (Ayaw niya kasi i-upload. Di ko alam kung bakit.).
Sa aking pagtingin sa kanyang mga litrato, hindi ko naiwasang magkomento, hanggang sa hindi ko namalayan, hindi na pala siya natutuwa sa mga nasabi ko. Humingi na lamang ako ng paumanhin sa aking mga nasabi, pero simula nung oras na iyon, may bumabagabag na sa akin.
As always, he has been open na hindi na nga siya natutuwa sa mga nasabi ko. Siguro e masyado akong naging kampante na tatanggapin lang niya ang mga sasabihin ko. Siguro e nasanay na rin akong magkomento sa litrato. Siguro masyado lang talaga akong naging taklesa. O siguro, hindi na nga rin kami talaga katulad ng dati.
At kung yung huling pangungusap nga ang pinakamabigat na dahilan, lubos naman akong nasasaktan.
Sa tagal ng aming communication gap, parang unti-unting napalayo ang loob ko sa kanya. Nagkakaroon na pala ng lamat ang dating inakala kong isang bagay na pang-habangbuhay.
At sa ngayon, sa totoo lang, hindi ko alam ang aking susunod na gagawin. Kung ililigtas ko pa ba ang dating samahan namin, o hahayaan ko na lamang na tuluyan na naming hindi na maibalik ang dati.
Mga ilang oras lamang ang nakalipas mula sa paggawa ng blog na ito, ay ka-chat ko naman sa Windows Live Messenger ang aking ka-opisinang matagal namang lumiban sa trabaho dahil nagkasakit. Nagulat na lamang ako na sa aking pangungumusta at sa aming pag-uusap ay binanggit niyang ako raw ang bestfriend niya dito sa opisina. BFF's na nga raw kami. (Corny ba? Hahaha. Inpernes ah, lalaki rin yan.)
Lubos ko namang ikinatuwa na ganun na pala ang nagiging presensya ko sa kanya. Hindi ko naman iyon itinanggi at ipinagkait sa kanya, bagkus, sa sumunod pa naming chat session at sa aming paglabas upang bumili ng pagkain e "bes" na ang naging tawagan namin.
Si Bes kong ito ay ang nagiging gamot sa sakit na naidulot ng pagkawalay sa akin ng isang kaibigan na kadugo ko na ang turing. Masaya naman ako ngayon kasi si Bes ay aking kasabay sa shift, at hindi pa kami magkalayo ng tirahan, kaya isang tao rin siyang alam kong maaari ko ring takbuhan.
Siguro nga talaga, friends come and go. Pati mga dati kong kabarkada, isa-isa na ring nawawala. Iilang mga tao na lang ang talagang natitira sa buhay kong nananatiling malalapit sa akin. Pero sa bawat pagkawala naman ng isang kaibigan, marami namang mga bagong mukha na pumapalit.
Pero hindi porket "friends come and go" nga eh hahayaan na lang rin natin na maging ganun ang mga pangyayari. Naniniwala pa rin ako na kung pagkakaibigan lang naman ang relasyon, maaari pa namang masagip yun. Alam kong iba pa rin ang ligayang madudulot ng mga "old friends" na talagang tumatak na sa mga puso at isip nating lahat.
Basta ang importante ngayon, pahalagahan ang bawat kaibigan. Binigay yan ng Panginoon upang may gawing isang importanteng bagay sa buhay mo. Ikaw na bahalang umalam ng dapat nilang maging misyon sa iyo. Kung sakaling mawala man sila, malungkot, oo, pero dapat maging masaya ka pa rin dahil dumaan sila sa buhay mo upang magdagdag ng kulay sa dating ordinaryo mong mundo.
No comments:
Post a Comment